Manila, Philippines – Sisimulan na ngayong araw ng Department of Health (DOH) ang kanilang “supplemental immunization” sa National Capital Region (NCR) para maiwasan ang pagkalat ng mga kaso ng tigdas sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, tatagal hanggang Mayo 24 ang immunization program sa NCR habang sa Mayo 9 hanggang Hunyo 8 idaraos ang programa sa Mindanao.
Aniya, babakunahan ang anim na buwan hanggang limang taong gulang na mga bata kahit pa nabakunahan na sila noon.
Aminado naman si Duque na maraming dahilan kung bakit hindi pinapabakunahan ng mga magulang ang kanilang mga anak, ayon sa DOH.
Giit ni Duque, libre ang bakuna kontra tigdas sa mga center at mayroon ding magbabahay-bahay, depende sa Local Government Unit (LGU).
Sa tala ng DOH Epidemiology Bureau mula Enero 1 hanggang Abril 14, 2018, umabot na sa 5,450 ang bilang ng mga kaso ng tigdas sa buong bansa.
Sa kabuuang bilang, 905 ang “confirmed cases,” habang 15 na tao ang namatay kung saan 13 sa mga ito ay hindi nabakunahan.