MEAT VENDORS SA MANGALDAN, BAHAGYANG NAKABAWI SA HOLIDAY SEASON

Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng karne, bahagyang nakabawi sa bentahan ang mga meat vendor sa Mangaldan Public Market sa kasagsagan ng holiday season.

Ayon sa mga manlalako, dinagsa ng mga mamimili ang pamilihan upang bumili ng mga sangkap para sa noche buena at media noche.

Dahil dito, naging masigla ang bentahan para sa mga meat vendor kahit bahagya ring tumaas ang presyo ng karne kasabay ng mga okasyon.

Batay sa Department of Agriculture (DA), itinakda ang minimum farmgate price ng liveweight ng baboy sa ₱210 kada kilo.

Samantala, sa mga pamilihan naman, umaabot sa ₱370 hanggang ₱380 kada kilo ang presyo ng laman ng baboy.

Dagdag ng mga manlalako, mas pinili umano ng mga mamimili ang laman kung kaya’t karamihan ay ribs o buto-buto ang naiwan. Kabilang sa pinaka biniling karne bago sumapit ang Bagong Taon ang pork belly, pata at paa.

Dahil dito, malaking tulong umano sa mga meat vendors ang holiday season na makabawi sa kanilang bentahan, kahit pa ramdam ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments