Cauayan City, Isabela- Pinalawig ng pamahalaang lokal ng Solano ang pagsasailalim sa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) hanggang sa September 30, 2020.
Ito ay matapos aprubahan ng Provincial COVID-19 Task Force (PCOVID-19 TF) ang hiling ng Solano Municipal Inter-Agency Task Force (SMIATF) na i-extend ito hanggang sa katapusan ng kasalukuyang buwan.
Ayon kay Councilor Eddie Tiongson, ang pagpapalawig sa MECQ ay makakatulong upang lalong ma-contain at mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang bayan.
Aniya, hindi pa nila naramdaman ang naging pagbabago ng kanilang ipinatupad na 15-day MECQ kung saan mas naniniwala ang konsehal na mas epektibo ang pagcontain sa virus kung mapapalawig ang lockdown.
Sa ilalim nito ay malilimitahan ang galaw ng mga tao at maiwasan ang pagkalat ng virus.
Tiniyak naman ni Governor Carlos Padilla na maibibigay ang suporta at pondong kinakailangan ng LGU Solano.