Medal of Valor awardee na si Maj. Gen. Sobejana uupo bilang commander ng AFP-WestMinCom

Kinumpirma ni AFP Public Affairs Office Chief  Colonel Noel Detoyato na uupo bilang commander ng AFP Western Mindanao Command si Major General Cirilito Sobejana ang kasalukuyang commander 6th Infantry Division ng Philippine Army.

Ito ay dahil nakatakda nang magretiro sa Biyernes si Lieutenant General Arnel Dela Vega ang kasalukuyang commander ng AFP-WestMinCom.

Aniya mismong inanunsyo ng Pangulong Duterte sa Malacañang ang appointment ni Sobejana.


Si Sobejana ay binigyan ng pinakamataas na parangal na Medal of Valor noon taong 1995 matapos ang paulit-ulit na ipinakitang katapangan sa pakikipagsagupa sa mga terorista sa Isabela, Basilan.

Ayon kay Detoyato, bukod sa pagiging Medal of Valor awardee ni Sobejana, ang karanasan nito sa pagko-command sa halos lahat ng parte ng Western Mindanao ang dahilan kaya ito napili bilang AFP-WestMinCom commander.

Sinabi pa ni Detoyato, expertise ni Sobejana ang administration, intelligence at operations kaya inaasahang nilang malaking advantage ito para pamunuan ang AFP-WestMinCom.

Facebook Comments