Activated na ang media action center ng Philippine National Police (PNP) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, simula kahapon, October 25, ay bukas na ang kanilang media action center mula sa national headquarters hanggang regional headquarters.
Dito ay pwedeng ma-access ng mga media ang impormasyon na may kinalaman sa eleksyon sa mas mabilis na paraan.
Maliban sa mga pulis na tatao sa pasilidad, tatauhan din ito ng mga focal person o kinatawan ng mga deputized agency tulad ng Department of Education (DepEd), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at nandito rin ang ilang kinatawan ng Commission on Elections (COMELEC).
Paliwanag ni Fajardo, inaasahan nila ang mas mabilis na koordinasyon sa media center dahil dito kanilang iko-consolidate ang mga report sa eleksyon at agad nila itong gagawan ng aksyon.