Simula ngayong araw at habang umiiral ang community quarantine ay hindi muna papapasukin ang media sa press briefing area sa New Executive Building sa Malacañang.
Base sa Media Advisory ni PCOO Undersecretary for Broadcasting and Mass Media Rocky Ignacio, tanging mga resource person lamang, cameraman ng RTVM at isang moderator mula sa Office of Global Media Affairs ang pwede sa briefing area.
Ang media ay pwede pa ring lumahok sa virtual presser sa pamamagitan ng pagpapadala ng tanong sa moderator o sa mga resource person na iaanunsyo ng maaga kung sino sino ng Office of Global Media Affairs.
Live din ang briefing sa PTV 4 sa tuwing may gagawing public address.
Samantala, rerebisahin naman ng presidential security group ang ipinatutupad na security measures sa malakanyang makaraang makadalo sa pulong dito noong sabado si cong eric yap na nagpositibo sa covid 19.
Ayon kay PSG Commander, Colonel Jesus Durante III, isa sa babaguhin ay ang declaration form na pinasasagutan sa lahat ng bisita, mga staff o kawani ng mga tanggapan sa malakanyang at mga high level officials.
Sa nabanggit na form ay idagdag ang tanong kung sumailalim ba sa covid test at ano ang dahilan.
Ang iba pang tanong sa nabanggit na form ay may kinalaman sa contact tracing at monitoring, COVID-19 symptoms check, at travel history.