Hindi papayagan ang media coverage sa loob ng Pasig RTC Branch 159 hinggil sa inaasahang arraignment ni Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy at 4 na iba pa bukas, September 13, 2024.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) PIO Chief PCol. Jean Fajardo, sensitibo ang qualified human trafficking case na kinakaharap nina Quiboloy dahil ang biktima ay pawang mga menor de edad.
Ani Fajardo, maglalabas na lamang sila ng mga impormasyon pagkatapos ng arraignment.
Samantala, mamayang ala-una ng hapon magpupulong ang mga abogado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Headquarters Support Service para sa pinal na latag na seguridad bukas.
Una nang sinabi ng PNP na magpapatupad sila ng strict security protocols sa pagdadala kina Quiboloy sa Pasig court mula PNP custodial facility.
Aniya, magsusuot ng bullet proof vest at kevlar helmet ang mga akusado habang ibabyahe patungong korte bilang proteksyon at bahagi ng seguridad.
Paliwanag ni Fajardo, pinaghahandaan din ng pulisya ang posibilidad na dumugin ang pastor ng kanyang mga taga-suporta bukas.