Sa nalalapit na muling pagbubukas ng Baguio City at ilang bahagi ng bansa sa turismo, hinihikayat ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga kagawad ng media na naatasang mag-cover ng nasabing event na sumunod sa guidelines ng iba’t ibang Local Government Units (LGUs).
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, ang mga inisyung IATF Pass ay maaari lamang gamitin dito sa Metro Manila at mayroon talagang mga LGUs ang hindi kinikilala ang IATF pass.
Para sigurado ay agad na kumuha ng medical clearance mula sa barangay at travel authority para ito ay mai-coordinate sa pupuntahang LGUs.
Paliwanag ng kalihim, may sari-sariling travel restrictions ang iba’t ibang LGUs sa bansa upang makasiguro na hindi sila mapapasukan ng virus sa kanilang lugar na dapat din namang nirerespeto.
Matatandaang ang Tagaytay ay bukas na muli sa turismo pero kailangan pa ring kumuha ng travel authority kapag manggagaling sa General Community Quarantine (GCQ) areas tulad ng Metro Manila, habang ang Baguio City na magbubukas na muli sa September 22 ay tatanggap lamang ng 200 turista.