Positibo sa COVID- 19 ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) Press Corps.
Ito’y makaraang sumailalim sa RT-PCR test ng PNP Health Service nitong Lunes ang lahat ng media na nag-cover sa huling aktibidad ni PNP Chief General Debold Sinas noong nakaraang Miyerkules sa Camp Crame.
Lahat ng media at maging si General Sinas ay sumunod sa minimum health protocols at naka-face mask at face shield nang isagawa ang aktibidad.
Matatandaang nag-positibo si Gen. Sinas sa RT-PCR na isinagawa sa kanya isang araw makalipas ang kanyang aktibidad nitong nakaraang Huwebes.
Nasa Mindoro si Gen. Sinas nang malaman niya na positibo ang resulta ng test kaya agad bumalik sa Manila para magpa-quarantine sa Kiangan Treatment Facility sa Camp Crame.
Bilang parte ng health protocols, magsasagawa rin ng contact tracing sa nagpositibong miyembro ng media at isasara ng isang linggo ang Press Office sa Camp Crame para sa disinfection.