Sinisisi ngayon ng dalawang opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang media kaugnay sa red-tagging at profiling sa organizers at volunteers ng community pantries sa bansa.
Kasabay ito ng pagtanggi ng mga tagapagsalita ng NTF-ELCAC sa gitna ng pagdinig sa Kamara na sila ang nagpapasimuno ng red-tagging sa mga organizer o volunteer ng mga community pantry sa bansa.
Nilinaw ni Lt. Gen. Antonio Parlade na hindi nagre-red-tag ang NTF-ELCAC, kundi nagbibigay-babala at pinag-iingat lamang ang publiko laban sa ilang community pantry.
Kasabay nito ang pagpuna ni Parlade na ilang media outlets aniya ang nag-se-sensationalize o nagpapalaki sa isyu at nagbalita na kaniyang inamin ang profiling sa community pantry organizers.
Paliwanag pa ni Parlade, noong Abril ay maraming netizens ang nagtatanong sa kanila kung bakit may propaganda materials ang ilang community pantry at hiniling na silipin ito ng ahensya.
Para kay Presidential Human Rights Committee Secretariat Undersecretary Severo Catura, isa sa tagapagsalita rin ng NTF-ELCAC, nagagamit tuloy ang bayanihan sa pulitika sabay kwestyon sa litrato ni Ana Patricia Non, ang nagpasimula ng Maginhawa Community Pantry, kung bakit nakataas ang kamao nito.
Pinalagan din ni Catura ang media reports na sumasalamin ang community pantry sa pagiging “incompetent” o kabiguan ng gobyerno sa pagtugon sa mga pangangailangan ngayong COVID-19 pandemic.
Pinagsabihan naman ni Agusan del Norte Representative Lawrence Fortun ang NTF-ELCAC na mag-ingat din sa paglalabas ng mensahe dahil nagreresulta na ang kanilang pahayag sa pagsasara ng ilang community pantries na may tunay at maganda namang intensyon.