Cauayan City, Isabela- Tuluyang dinakip ng mga otoridad ang isang freelance journalist mula sa lalawigan ng Isabela matapos kumagat sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Tuguegarao City.
Nakilala ang nahuling media personality na si Romel Mendi, 46 taong gulang, may asawa, residente ng Purok 7, Brgy. Sindon Bayabo, City of Ilagan, Isabela.
Sa inilabas na ulat ng Cagayan Provincial Information Office, inihayag ng nagrereklamong negosyante na si Dennis Avila, may-ari ng Delta Global Aces Construction Trading na unang lumapit sa kanya si Mendi upang kuning advertiser ng mga programa nito sa radyo gayundin sa kanyang Youtube account.
Maayos pa aniya ang pakikitungo ng suspek sa kanila noong una, ngunit nang humingi umano siya ng paumanhin sa suspek na hindi nito kaya ang hinihinging P60,000 na kabayaran sa advertisement nito ay hindi na maganda ang pakikitungo ng suspek kay Avila.
Pinagbantaan din umano ni Mendi si Avila na ikakalat at ihahayag nito ang mga maling kalakaran sa kanyang pinapatakbong negosyo at ipapasara ito.
Dito na lumapit sa NBI si Avila para humingi ng tulong at matigil ang nasabing gawain ng suspek.
Agad itong inaksyonan ng NBI Region 02 sa pamamagitan ng entrapment operation.
Nakipagtawaran pa si Avila sa alok ni Mendi na mula sa halagang P40,000 ay naibaba ito sa P30,000 na inayunan naman ni Mendi.
Nang isagawa ang entrapment operation, tinanggap ni Mendi ang perang ‘marked money’ na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nasampahan na ng NBI ng mga kasong Robbery, Extortion at CyberCrime si Mendi.
Mayroon namang halagang P100,000 na inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang Kalayaan ng suspek.