Media watchdog, naaalarma sa pagtaas ng insidente ng pang-aabuso sa mga mamamahayag

Naaalarma ang isang media watchdog sa pagtaas ng kaso ng pang-aabuso sa mga mamamahayag o miyembro ng media kasabay ng nalalapit na eleksyon sa Mayo 2022.

Ayon kay Center for Freedom and Responsibility Executive Director Melinda Quintos de Jesus, naging dahilan din ng mataas na insidente ng pang-aabuso sa mga kawani ng media ang naging karanasan nito sa administrasyong Duterte sa nakaraang anim na taon kung saan kaaway ang turing sa media.

Matatandaang sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay ipinasara ang media giant network na ABS-CBN matapos hindi i-renew ang legislative franchise nito sa Kongreso.


Sinabi pa ni De Jesus na nakadagdag din ang red-tagging na ginagawa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga mamamahayag kung kaya’t ang tingin ng publiko sa mga ito ay kalaban.

Base sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), simula noong filing of candidacy noong October 2021 ay dalawang mamamahayag na ang pinatay habang tatlo naman pinagbawalan na magsagawa ng coverage.

Bukod dito ay nasa 9 na news organization din ang nakakaranas ng DDoS attacks sa kanilang mga website at news report.

Facebook Comments