Inaprubahan na ng House Committee on Labor and Employment na pinamumunuan Rizal Rep. Fidel Nograles ang Media Workers Welfare Bill na layuning palakasin at tiyaking naibibigay ng mga media companies at networks ang tamang kompensasyon at benepisyo sa media workers.
Sakop nito ang tamang pasahod, security of tenure, hazard at overtime pay, insurance at iba pang benepisyo tulad nang SSS, PhilHealth at PAG-IBIG.
Itinatakda ng panukala na ang entry-level position ay dapat makatanggap ng minimum wage compensation na itatakda ng national wages and productivity commission o kaya ay regional tripartite wages and productivity boards.
Iniuutos din ng panukala na gawing regular employee ang media worker matapos ang anim na buwan ng tuloy-tuloy na employment nito.
Ang mga miyembro naman ng media na aatasan na mag-cover sa mga delikadong kaganapan o sitwasyon ay pinabibigyan ng panukala ng karagdagang ₱500 arawang hazard pay bukod pa sa paglalaan ng protective equipment.
Nakasaad sa panukala ang ₱200,000 na death and disability benefits para sa apektadong mamamahayag at ₱100,000 na medical insurance benefit.
Ipinag-uutos din ng panukala ang pagbuo ng News Media Tripartite Council sa ilalim ng Department of Labor and Employment na siyang magsusulong ng intres ng media industry.