Pinayagan na ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Health (DOH) na maging vaccinators ang mga medical at nursing student.
Ito ay matapos maglabas na ng Joint Memorandum Circular ang CHED at DOH kaugnay sa paglahok ng mga ito sa National COVID-19 Vaccine Deployment and Vaccination Program.
Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera III, maaari silang magboluntaryo sa ilalim ng pangangasiwa ng mga license doctors at nurses.
Ngayong pinabibilis na ng gobyerno ang vaccination rollout, nais ng CHED na mapabilis din ang pagbakuna sa mga mag-aaral.
Nasa 61 higher education institutions ang nagsisilbing vaccination centers ngayon sa buong bansa.
Mahigit 1 milyon o 30% pa lang ng target number ng college students ang nababakunahan sa ngayon.