Pormal nang inanunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagpayag sa mga medical at nursing students bilang COVID-19 vaccinators.
Sa ilalim ng Joint Memorandum Circular ng DOH at CHED, pupwede nang lumahok ang mga post-graduate/undergraduate interns, clinical clerks at fourth year medicine at nursing students sa National COVID-19 vaccine deployment at vaccination program ng pamahalaan.
Dito ay pupwede silang magvolunteer bilang health screeners, vaccinators at pre/post vaccination monitors kung saan ginabayan pa rin sila ng lisensyadong physician at nurse.
Ayon kay CHED Chairman J. Prospero de Vera, ito ay sa kabila ng pagpapabilis ng vaccination rollout sa bansa bunsod ng mas maraming COVID-19 vaccines na dumarating.
Dagdag pa ni De Vera, malaki ang magiging tulong ng dagdag na vaccinators sa planong pagdagdag ng vaccination sites at daily vaccination target upang makamit ang herd immunity sa bansa.
Paliwanag pa ng chairman, ang oras na ilalaan ng mga estudyante sa volunteer work ay maisasama sa kanilang internship hours na siyang sesertipikahan ng head ng vaccination team sa vaccination site na kanilang sineserbisyuhan.