Manila, Philippines – Nais ni Senador JV Ejercito na magpatawag ng pagdinig hinggil sa paggamit ng marijuana sa medikal na aspeto.
Ayon kay Ejercito na chairman ng Senate Committee on Health, ito ay para malaman kung dapat na ba talaga na magpasa ng batas para rito.
Sabi naman ni Senate President Tito Sotto III, sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ay pinapayagan na ang paggamit ng marijuana bilang medical use.
Ang kailangan lang aniya makapagpresenta ng Compassionate Special Permit o CSP ang pasyente mula sa Food and Drug Administration o FDA.
Pero paglilinaw ni Atty. Katherine Austria-Lock, FDA Director for Drug Regulation and Research, makukuha lang ang CSP kung makakapasa sa kanilang evaluation.
Kabilang rito ang mga pirmadong FDA application form, sulat ng doktor na nag pre-prescribe sa pasyente na gumamit ng katas o cannabis oil kasama ang dami ng kailangan ng pasyente at medical abstract.
Nangangamba naman si Buhay Partylist Representative Lito Atienza na baka maging recreational marijuana use ito oras na maisabatas.
Katulad nalang aniya ng nangyari sa 27 bansa sa buong mundo na pumayag na magamit ang marijuana bilang gamot sa sakit pero ginamit lamang sa mali.