Pabor ang medical community at Philippine Federation of Association of Professionals na maibalik na ang face-to-face classes simula ngayong buwan.
Ayon kay Dr. Benito Atienza, dating presidente ng Philippine Medical Association, kailangan lang naman ay sumunod pa rin sa minimum public health standards at magpabakuna ang mga bata limang taong gulang pataas.
Dagdag pa ng opisyal na dapat maging handa ang mga paaralan sa pagtanggap sa mga bata o estudyante at masiguro na may sapat na pasilidad para maipatupad o maobserbahan ang health protocols.
Binigyang-diin ni Atienza na importanteng pag-ingatan at alagaan ang mga bata hindi lamang laban sa banta ng COVID-19 kundi maging sa iba pang sakit lalo na at panahon ngayon ng tag-ulan.
Aniya, karaniwang umaatake sa ganitong panahon ang mga waterborne diseases, influenza o trangkaso, pneumonia, leptospirosis at dengue.
Kaya naman nakikipag-ugnayan na aniya ang mga health center sa mga eskwelahan para mag-alok ng mga bakuna hindi lamang kontra COVID-19 kundi maging sa iba pang uri ng bakuna sa mga bata para protektado sila sa pagpasok sa mga eskwelahan.