Medical frontliner na nagbalik-bansa matapos ang essential travel sa US, naglabas ng hinanaing sa isyu ng quarantine protocol

Naglabas ng hinanakit ang isang frontliner doctor na nagbalik-bansa hinggil sa aniya’y nagiging negosyong quarantine protocol sa Pilipinas.

Partikular dito ang aniya’y sobrang habang quarantine period kahit sa fully vaccinated na returning Filipinos.

Sa exclusive interview ng RMN DZXL Manila sa hindi muna nagpabanggit ng pangalan na medical frontliner, sinabi nito na kaduda-duda aniya na tila nagiging raket ito ngayon.


Nagtataka rin anila sila dahil tila ang Pilipinas na lamang ang may ganito kahabang quarantine period.

Inirereklamo rin ng nasabing medical frontliner ang pagbabawal sa kanila na magpabili ng pagkain sa labas ng hotel at bawal din silang dalhan ng pagkain kaya gutom aniya ang kanilang inaabot sa hotel.

Ganito rin ang naging reklamo noon ng returning Overseas Filipino Workers (OFWs) na umuwi ng Pilipinas at nag-quarantine sa mga hotel na accredited ng Department of Tourism (DOT).

Nababahala rin ang nasabing doktor dahil wala siyang physical exercise ngayon sa loob ng sampung araw na aniya’y makakasama sa kanya lalo na’t siya ay may comorbidity dahil siya ay diabetic at hypertensive.

Pinagbabawalan din aniya silang mag-post sa social media ng mga larawan at video habang naka-quarantine sa hotel.

Umapela rin ang naturang medical frontliner sa mga mambabatas na busisiin kung totoong may raket sa quarantine protocol ng pamahalaan.

Ilan ding mga Pilipinong naninirahan sa iba’t ibang bansa ang nagpaabot ng kanilang sentimyento sa RMN DZXL Manila hinggil sa kanilang pag-atras na umuwi ng Pilipinas dahil sa haba ng quarantine period.

Facebook Comments