Nagsimula nang mag-duty sa mga ospital sa Metro Manila ang medical frontliners na hiniram ng Department of Health (DOH) sa mga rehiyon.
Sa harap ito ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) at sa mga karatig na lalawigan.
Kabilang dito ang healthcare workers na naka-deploy ngayon sa East Avenue Medical Center, Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan City, at Amang Rodriguez Memorial Hospital sa Marikina City.
Ang naturang 42 na mga doctor at nurses ay mula sa regions I, IV-A at V.
Ang 94 naman na healthcare workers mula regions VII, VIII, IX, X, XI at BARMM ay naka-deploy sa National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines, off-site extension ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center sa Quezon Institute, San Lazaro Hospital, Tondo Medical Center at Rizal Medical Center sa Pasig City.
Tiniyak naman ng DOH ang regular sa pagsasailalim sa mga ito sa RT-PCR testing bukod pa sa kanilang sweldo at allowances para sa kanilang pagkain, transportasyon at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.