Hindi na mandatory ang medical insurance requirement sa mga mag-aaral sa kolehiyo na nais lumahok sa face-to-face classes.
Ayon kay acting Deputy Presidential Spokesperson Kris Ablan, ito matapos aprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang rekomendasyon ng Commission on Higher Education (CHEd) na bawiin na ang medical insurance requirement ng mga studyante.
Matatandaang nito lamang Abril ay itinakda ng CHED at Department of Health (DoH) sa isang joint resolution na kailangang maging miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga college students bago makalahok sa face-to-face classes.
Sinabi rin ni PhilHealth Vice President for Corporate Affairs Dr. Shirley Domingo na kailangan munang magparehistro ng mga studyante sa PhilHealth o sa kahit anong private health insurance.
Sa kasalukuyan ay wala pang eksaktong bilang kung ilan na ang nakapagparehistro sa PhilHealth, pero patuloy na nakakatanggap ang ahensiya ng mga aplikasyon mula sa regional offices nito at iba pang eskuwelahan.