Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian na maitaas ang standards ng medical profession sa bansa.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 953 o ang Physicians Act na layong magkaroon ng responsive at komprehensibong regulasyon para sa pagsasanay ng medical profession tulad ng pagpapataas ng standards sa basic medical education, medical internship, at post-graduate medical education at training.
Layon ng panukalang batas na bumuo ng Medical Education Council (MEC) na pangangasiwaan ng Commission on Higher Education (CHED) at ito ang tutukoy sa minimum required curriculum para sa pagkuha ng degree ng Doctor of Medicine kasama ang internship.
Nakapaloob din sa panukala ang paglikha ng Professional Regulatory Board of Medicine (PRBM) sa ilalim ng Professional Regulation Commission (PRC) na ang tungkulin ay pangasiwaan, i-regulate at bantayan ang pagsasanay ng medisina sa bansa kabilang ang telemedicine.
Ang PRBM din ang magsasagawa ng Physician Licensure Examination (PLE) at susuri ng mga qualification ng mga aplikante.
Lilikha rin ng Post-Graduate Medical Education Council (PGMEC) sa ilalim ng PRBM na siyang titiyak sa kalidad ng post-graduate medical education at training sa lahat ng disciplines, specialties, at sub-specialties ng mga medical resident.