Medical Reserve Corps, lusot na sa ikatlo at huling pagbasa

Aprubado na rin sa Kamara ang Medical Reserve Corps Act.

Sa botong 195 “yes”, 6 “no” at zero abstention ay nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na tugunan ang problema sa kakulangan ng medical workforce tuwing may national o local public health emergency.

Sa ilalim ng House Bill 8999 ay bibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na mag-mobilize ng Medical Reserve Corps (MRC) sa buong bansa kapag may state of war, state of lawless violence o state of calamity.


Maaring gamitin ng pamahalaan tuwing may national emergency ang mga indibidwal na nagtapos ng medisina, nursing, medical technology at iba pang health-related fields.

Sa ganitong paraan ay nakahanda agad ang emergency manpower para sa mabilis at epektibong paghahatid ng serbisyo sa mga biktima o pasyente.

Ang mga medical volunteers sa ilalim ng MRC ay makatatanggap ng allowance, medical care, hospitalization at iba pang privileges at benefits.

Sakali namang hindi rumesponde ang isang miyembro ng MRC nang walang sapat na rason ay ipapa-reimburse rito ang ginastos ng gobyerno para sa recruitment, selection, training at compensation na tutukuyin ng Department of Health (DOH).

Facebook Comments