Kinakailangang palakasin ang kakayahan ng health research sa bansa para makabuo ng sariling bakuna lalo ngayong mayroong pandemya ng COVID-19.
Pahayag ito ni Senator Christopher “Bong” Go bunsod ng nararanasang problema ng bansa dahil sa nasabing sakit.
Ayon sa senador dapat paigtingin at paghusayin pa ang medical science at health research capabilities sa bansa para sa susunod ay handing-handa na tayo sa health crises at kakayanin nang makabuo ng sariling bakuna.
“Novel coronavirus, bago, ‘di natin alam kung meron pang darating na ganitong klaseng mga sakit na galing po sa wildlife. Dapat handa tayo,” ayon sa pahayag ni Go nang siya ay personal na nag-abot ng tulong sa mga nabiktima ng sunog sa Malate, Maynila.
Ayon sa senador, kung kaya na ng Pilipinas na makabuo ng sariling bakuna ay hindi na natin kailangang magmakaawa sa ibang mga bansa.
Sa kaniyang State of the Nation Address noong Hulyo ng nakaraang taon, hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na magpasa ng batas na lilikha ng sariling center para sa disease control and prevention.
Sa Kamara, aprubado na sa committee level ang House Bill No. 6096 na magtatatag ng nasabing ahensya.
Nauna nang inihayag ni Go ang pangangailangan na mapondohan ng sapat ang Research Institute for Tropical Medicine dahil sa crucial role nito sa pagtugon sa pandemya.
“Hindi natin akalain na ang RITM ay ang isa sa pinaka-importanteng opisina dito sa pandemyang ito… I pushed for the increase of RITM’s proposed 2020 budget. We made the right decision, and with the support of my colleagues, we increased the budget of RITM to PhP223.8 million. For 2021, we further increased the budget of RITM to PhP393.8 million,” ayon kay Go.
Ani Go, kung hindi naitaas ang budget ng RITM ay mas lalong magkakaroon ng pagkabigla ngayong nagkaroon ng pandemya.
Samantala, sinabi ni Go na malabo pang mailagay sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) ang Metro Manila bunsod ng muling pagtaas ng naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Kinumpirma ni Go, na plano na sana ni Pangulong Rodrigo Duterte na luwagan ang antas ng community quarantine sa Metro Manila.
Pero dahil sa muling pagtaas ng kaso gn COVID-19 at dahil kasisimula pa lamang ng pag-rollout ng bakuna ay delikado pa itong gawin.
“Plano sana ni Pangulong (Rodrigo) Duterte na luwagan (ang level ng community quarantine). Since kaka-start pa lang ng pagbabakuna, kinakailangan pa nating mapaigting ang ating pag-iingat laban sa COVID-19, lalo na ngayon dahil sa pagtataas ng bilang ng mga kaso. Hindi pa natin siguro maluwagan ang quarantine restrictions ngayon dahil delikado pa po. Gawin po muna natin ang kinakailangan para hindi tayo magkahawahan,” ayon kay Go.
Dahil sa tumataas na kaso, sinabi ni Go na kailangang pag-aralan muli ang health and safety guidelines.
“Pinag-aaralan ‘yung sinasabi na babaan ang edad. Sabi ko, napakahirap sa ngayon, araw-araw po kailangan pag-aralan. Araw-araw, umaangat, sabay tayong nagbabakuna pero tumataas,” dagdag ni Go.
Sa sandal aniyang bumaba na ang kaso na resulta ng pagbabakuna ay maari na aniyang magkaroon ng unti-unting pagluwag.
“Kung nagbabakuna tayo at bumababa, maaari unti-unting luwagan. Pero sa ngayon, hindi pa po, granular na po at selected lang muna, by barangay or by city po ang pagluluwag ng mga restrictions,” sinabi pa ni Go.
Kasabay nito sinabi ni Go na malabo din naming bumalik ang bansa sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine dahil tatamaan na naman ng matindi ang ekonomiya.
Sa pagpapasya, sinabi ni Go na palaging binabalanse ang ekonomiya at kalusugan gayundin ang kapakanan ng mga mamamayan.
“‘Di naman pwede totally ibalik sa ECQ dahil hirap ang ekonomiya. Pinag-aaralan na po ng gobyerno sa mga susunod na araw magbibigay po ng rekomendasyon ang IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases),” dagdag ng senador.
Dahil sa problemang nararanasan ng bansa, nangako si Go na patuloy na magpapaabot ng tulong sa mga apektadong mamamayan.
“‘Di po ako natatakot mamatay at kung sakali mang umabot ang puntong ‘yan, karangalan ko po na mamatay na nagseserbisyo po sa kapwa ko Pilipino. ‘Yun ang isang malaking karangalan ko bilang opisyal ng gobyerno,” ayon kayGo.
Sinabi ni Go na hindi niya kayang maupo lamang sa kaniyang opisina at magpalamig habang maraming kababayan ang naghihirap at naghihintay ng tulong sa gobyerno. ####