Cauayan City, Isabela- Isinailalim sa 10-araw na partial lockdown ang Medicine Department ng Kalinga Provincial Hospital simula ngayong araw, Enero 14 hanggang Enero 24.
Ito ay makaraang magpositibo sa COVID-19 ang isang pasyente na kamakailan ay na-admit sa naturang ospital dahil sa iniinda nitong Chronic Kidney Disease hanggang sa masuri sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) at magpositibo.
Batay sa abiso ng Kalinga Provincial Hospital, pansamantalang suspendido ang medicine department sa mga patient admission maging ang Out Patient Department subalit tatanggap pa rin sila ng mga emergency cases.
Una nang nagpositibo sa antigen swab ang mga personnel ng ospital na nagkaroon ng exposure sa pasyente habang kasalukuyan ngayon ang paghihintay ng resulta mula sa Baguio General Hospital makaraan ang isinagawang RT-PCR test sa mga ito.
Inabisuhan naman ng provincial hospital ang publiko na mangyaring ikonsidera ang serbisyo ng mga district hospitals, private at mga RHU habang nakapasailalim pa sa lockdown ang nasabing ospital.