Manila, Philippines – Sasakupin na rin ng PhilHealth ang medikasyon at pag-aalaga para sa mga pasyente na dumaranas ng malubha o nakamamatay na sakit sa oras na maisabatas ang Universal Health Care bill.
Pahayag ito ni Senator Sonny Angara, na isa sa mga may-akda ng Universal Health Care bill.
Ayon kay Angara, tugon ito sa 2015 Quality of Death study index kung saan lumalabas na ang Pilipinas, ay isa sa mga bansa kung saan masalimuot mamatay, tulad sa Iraq at Bangladesh.
Ito ay dahil pang-78 ang Pilipinas sa 80 bansa na may mababang uri ng pangkalinga at ipinagkakaloob na medikasyon sa mga nagtatataglay ng nakamamatay na sakit.
Kabilang sa mga ganitong uri ng sakit na inihalimbawa ng World Health Organization o WHO ay cancer, cardiovascular diseases, chronic lung diseases, diabetes, tuberculosis, kidney failure, HIV-AIDS, Alzheimer’s disease at iba pa.
Diin ni Angara, hindi dapat itigil ang pagkalinga sa mga pasyente na nagtataglay ng malubhang karamdaman na maaring wala nang lunas.
Base sa record ng WHO noong 2012, ay umabot sa 300,000 sa mahigit kalahating milyon na pagkamatay sa Pilipinas ay sanhi ng stroke, heart attack, cancer, chronic lung disease, at diabetes.