Mega Market Uusbong sa Ideal City of the North

Cauayan City – Masisimulan na ang konstruksyon ng isang malaking bagong pamilihan sa siyudad ng Cauayan matapos pirmahan ang Memorandum of Agreement at pinangunahan kahapon December 14, 2017 ni Cauayan City Mayor Bernard Faustino M. Dy ang groundbreaking ceremony ng Cauayan Mega Market.

Sa bukas na pakikipagtalakayan ng RMN Cauayan News Team kay Mayor Bernard Dy, kanyang ibinahagi na ang Mega Market na ito ay masasabing isa sa pinakauna dito sa Isabela dahil sa iba’t-ibang mga bahaging bumubuo rito.

Isa sa mga aabangan ay ang pagkakaroon ng Electronic Trading Center na magbibigay sa mga magsasaka ng direktang koneksyon sa mga mangangalakal upang makapagbenta ng kanyang ani sa naayong halaga base sa electronic bidding.


Hatid rin ng Cauayan Mega Market ang iba’t-ibang oportunidad para sa mamayan ng lungsod lalo pa’t inaasahang magiging sentro ito ng komersyo at negosyo.

Ayon kay Mayor Dy, ito ay magiging instrumento rin upang maihatid ang mga serbisyong kinakailangan ng mamayan habang patuloy na lumalaki ang populasyon nito.

Inaasahang sa pagkakaroon ng bagong Mega Market, magkakaroon din ng alternatibong lugar ang sinumang nais magnegosyo kasabay ang maginhawang pamimili ng mga konsyumer.

Malaki rin umano ang maitutulong nito upang mabawasan ang trapiko at magluwag ang sentro ng lungsod dahil may mas malapit ng maaring puntahan ang mga nasa TANAP Region ng Cauayan.

Ang Cauayan Mega Market ay itatayo sa Minante 2 Cauayan City malapit sa Regional Training Center 2.

Pinasalamatan naman ni Mayor Bernard Faustino Dy ang Ropali Group of Companies sa pamumuno ni Mr. Aldous Rex Alingog (RRMDC-vice President) dahil sa tiwala at matapang na pakikipagsapalaran nito sa hangaring maitayo ang Cauayan Mega Market sa ilalim ng Private-Public Partnership sa pagitan ng Lokal Na Pamahalaan Cauayan at RRMDC.




Facebook Comments