Nauwi sa pananaksak ang alitan sa pagitan ng magkaresidente sa bayan ng Rosario, La Union.
Kinilala ang biktima bilang isang 28 anyos na mekaniko habang ang suspek naman ay isang 55 anyos na residente rin sa nabanggit na lugar.
Ayon sa imbestigasyon, umuwi nang lasing ang suspek at agad na nakipagtalo sa biktima tungkol sa pagmamay-ari ng isang sari-sari store. Habang tumitindi ang pagtatalo, bigla umanong bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima, saka tumakas at nagtago sa likod ng kanilang bahay.
Nagtamo ang biktima ng dalawang saksak sa tiyan, ngunit nakayanan niyang dalhin ang sarili sa ospital.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Rosario Municipal Police Station, naaresto ang suspek at nabawi ang ginamit na patalim.
Patuloy ang imbestigasyon habang inihahanda ang mga kaukulang kaso laban sa suspek.









