Memo ng NTC na nagre-regulate sa mga block time program sa radyo at telebisyon, labag sa batas ayon sa KBP; pagtutol ng kautusan, igigiit sa nakatakdang public consultation sa July 11

Pinalagan ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) ang inilabas na memo ng National Telecommunications Commission hinggil sa pagre-regulate sa mga block time na programa sa mga broadcast station.

Kabilang dito ang pagsusumite sa NTC ng kasunduan sa pagitan ng broadcast station at block time program at hindi dapat hihigit sa 50% ang broadcast sa radyo at TV ng mga blocktimer.

Sa interview ng RMN Manila kay KBP Spokesperson Atty. Rejie Jularbal, sinabi nito na mariin nilang tinututulan ang memo ng NTC dahil labag ito sa Saligang Batas at hindi malinaw ang layunin ng circular.


Giit ni Jularbal, lumalabas na gusto ng NTC na kontrolin ang mga lumalabas na content sa telebisyon at radyo na dapat ay desisyon o hurisdiksyon ng mga network.

“KBP is opposing this and believes that this is a violation of our constitutional freedom as it constitute prior restrain. Hindi malinaw kung anong purpose ng circular na ito, and base on the wordings of the circular, lumalabas na gusto nilang kontrolin kung anong lalabas sa radyo at telebisyon. ”

Kasabay nito, sinabi ni Jularbal na ilalatag ng KBP sa nakatakdang public hearing sa NTC sa July 11, 2022 ang mga rason kung bakit labag sa batas ang nasabing memo.

Umaasa rin si Jurarbal na pag-iisipang maigi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba ang kanilang posisyon.

Facebook Comments