Memorandum ni Pangulong Duterte na nagbabawal sa mga opisyal na dumalo sa Senate Blue Ribbon Committee hearing, may batayan – DOJ

Walang nakikitang mali ang Department of Justice (DOJ) sa paglalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng memorandum na nagbabawal sa mga cabinet members at mga opisyal na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DOJ Spokesperson, Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar na may batayan ang memorandum lalo na’t abala rin naman sa ngayon ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang mga trabaho para tumugon sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Villar, kinakain kasi ang oras ng mga pagdinig sa senado na napupunta sana sa mga iba pang importanteng gagawin ng bawat ahensiya.


Kaugnay niyan, dumepensa naman si Villar kung bakit sa senate hearing lamang at hindi sa pagdinig ng House of Representatives ipinagbawal ng Pangulong Duterte ang pagdalo ng mga opisyal at cabinet members.

Paliwanag nito, mas madalas at mas matagal kasi ang hearing sa senado kumpara sa ginagawa ng kamara.

Facebook Comments