Manila, Philippines – Itinakda na sa Mayo ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwait para saksihan ang paglagda ng memorandum of understanding na magbibigay proteksyon sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nagtatrabaho doon.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, sinabi ng Pangulo na hindi niya sasaksihan ang pirmahan ng kasunduan kung wala doon ang mga kondisyon na kaniyang hiniling para sa mga OFW.
Kabilang sa mga napagkasunduan ng gobyerno ng Kuwait at ng Pilipinas ay hindi na kukumpiskahin ng mga amo ang pasaporte ng OFW, magkakaroon ng day-off, suweldo sa tamang oras at iba pa.
Maliban rito, hiniling din ng Pilipinas sa Kuwait ang pagpapauwi sa may 1,000 Filipino na tumutuloy sa mga shelter at may 200 iba pang kailangang sagipin mula sa kani-kanilang mga amo.