Memorandum sa paggamit ng biofertilizers, pinaiimbestigahan ng Senado

Ipinasisiyasat ni Senator Risa Hontiveros ang bagong memorandum ng Department of Agriculture (DA) tungkol sa paggamit ng biofertilizers para sa pagpapalakas ng rice production ng bansa.

Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution 608 para maimbestigahan ng Senado ang Memorandum Order (MO) No. 32 ng DA at para maiwasang maulit ang 2004 Fertilizer Fund Scam na siyang pinangangambahan ng mga magsasaka kung saan ang pondo para sana sa abono ay nailipat at nagamit para sa re-election.

Iginiit ni Hontiveros na mahalagang ma-review ang mga bagong polisiyang inilalabas ng ahensya para matiyak na ito nga ay magagamit sa pagpapalakas ng ani at makakatulong sa mga ating mga magsasaka.


Nakasaad sa DA memorandum na ang biofertilizer ay maaaring pamalit sa dalawang bag ng urea na hindi nasasakripisyo ang ani kumpara sa dalawang bag ng inorganic fertilizer sa kada ektarya na nagkakahalaga ng ₱4,000.

Pero, puna ng senadora, hindi tama ang nakalagay sa MO ng ahensya na aabot sa ₱4,000 per hectare ang halaga ng pataba dahil ang presyo ng urea kada bag ay nasa ₱1,100 at sa kada ektarya ay dalawang bag ng pataba ang magagamit na aabot lang sa ₱2,200.

Bubusisiin din sa pagdinig kung talaga bang ang paggamit ng biofertilizer ay mas cost-effective at mas makakapagpataas sa ani ng mga magsasaka.

Facebook Comments