Menor de edad na miyembro ng Daulah Islamiyah, sumuko sa mga awtoridad

Sumuko ang isang 15 taong gulang na miyembro ng Daulah Islamiyah-Maute Group sa militar sa Madalum, Lanao del Sur.

Ayon kay Joint Task Force ZamPeLan Commander Major General Antonio Nafarrete, ang matagumpay na pagsuko ng dating violent extremist ay resulta ng collaborative efforts ng mga intelligence unit sa lugar, mga sundalo at local government units.

Kasama nitong isinuko ang kanyang 7.62mm M14 Rifle.


Ibinunyag ng sumukong personalidad na siya ay ni-recruit para sumali sa terror group noong 2019.

Lumahok aniya siya sa mga serye ng engkwentro sa Barangay Bawang, Madamba at Barangay Kalangnan, Piagapo sa Lanao del Sur at Barangay Lindungan, Munai, Lanao del Norte noong 2021.

Samantala, mariin namang kinokondena ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command Chief at Philippine Army Commanding General Lieutenant General Roy Galido ang paggamit sa mga menor de edad bilang combatant para labanan ang pwersa ng gobyerno.

Facebook Comments