*Cauayan City, Isabela*- Isinailalim na sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO) ang isang menor de edad matapos pagnakawan ang isang negosyante pasado 10:00 kagabi (January 22,2020) sa mismong bahay nito sa Barangay Uno, Tumauini, Isabela.
Itinago ang suspek sa pangalang Mark, 17 anyos habang ang biktimang negosyante ay kinilalang si Ginang Mariane Guzman Gemino, nasa tamang edad, isang negosyante at residente ng Brgy. Uno, Tumauini, Isabela.
Ayon kay P/Maj. Eugenio Mallillin, Hepe ng PNP Tumauini, agad na nagsumbong ang negosyante sa pulisya na ito ay napagnakawan ng mahahalagang gamit gaya ng Passbook, ATM Cards at mga pera sa mismong loob ng sasakyan nito na nakaparada sa garahe ng kanyang bahay.
Agad namang tumugon ang pulisya sa insidente kaya’t nahuli ang menor de edad habang nagpapatrolya ang pulisya malapit sa bahay ng negosyante aat dahil na rin sab akas ng tsinelas ng biktima sa upuan ng sasakyan kung kaya’t agad natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.
Naisoli naman ang lahat ng gamit na ninakaw ng bata sa negosyante.
Dagdag pa ng hepe, hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa ng menor de edad ang pagnanakaw dahil batay sa imbestigasyon ng pulisya ay may insidente rin ito ng pagnanakaw sa Bayan ng Gamu.
Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na mangyaring maglagay ng mga safety measure at huwag mag iwan ng mahahalagang gamit sa loob ng sasakyan upamng maiwasan ang posibleng pagnanakaw.