Caloocan City – Nagtungo ngayon sa tanggapan ni Senator Risa Hontiveros si Roy Concepcion na ama ng menor de edad na testigo sa pagpatay sa 17 anyos na si Kian Loyd Delos Santos sa Caloocan City.
Kasama nito ang kanyang abogado na si Atty. Jing Paras at Atty. Ferdinand Topacio ng Volunteer Against Crime And Corruption o VACC.
Nais ng ama ng biktima na alisin sa kostudiya ng Senado ang kanyang anak na testigo at lima pa nitong mga kapatid dahil nami-miss na niya ang mga ito.
Si Concepcion ay nasa kostudiya naman ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG dahil natatakot din ito para sa kanyang seguridad.
Nakulong ng isang buwan si Concepcion sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga pero nakalaya matapos magpyansa.
Wala si Hontiveros sa kanyang tanggapan pero naglabas ito ng dokumento mula sa office ni Senate President Koko Pimentel na nagsasabing wala na sa kustodiya ng senado ang mga testigo sa pagpatay kay Kian.
Nakasaad sa memo ni Pimentel kay Senate Sergeant at Arms Chief Retired General Jose Balajadia na simula nitong Martes o September 5 ay inililipat na sa kustodiya ni bishop Pablo Virgilio David ang mga testigo pati ang mga kapatid ng menor de edad.