MENOR DE EDAD, PATAY SA PAGKALUNOD SA ANGALACAN RIVER; MANGALDAN POLICE, NAGBABALA SA PAGLIGO SA ILOG

Isang insidente ng pagkalunod ang muling naitala sa Angalacan River sa Barangay Inlambo, Mangaldan, Pangasinan noong Linggo ng hapon, Enero 4.

Batay sa ulat ng Mangaldan Municipal Police Station (MPS), tatlong katao ang nasangkot sa insidente.

Dalawa sa mga biktima ang agad na nasagip at ligtas na dinala sa ospital, habang ang isa, isang 17-anyos na binatilyo, ay nasawi.

Ayon sa saksi, dakong alas-11 ng umaga nang magtungo sa lugar ang mga biktima kasama ang kanilang mga kamag-anak para mag-picnic.

Bandang alas-4:30 ng hapon, napagpasyahan umano ng tatlong biktima na maligo sa ilog.

Kalaunan, nagsimula umanong sumigaw ang tatlo na inakala ng kanilang pamilya na nagbibiro lamang.

Nailigtas ang dalawang biktima, edad 26 at 21, at agad na dinala sa ospital.

Samantala, ang 17-anyos na biktima ay tuluyang lumubog at nahanap lamang makalipas ang halos dalawang oras na search and rescue operation sa tulong ng MDRRMO, PNP at iba pang rescue team.

Sa panayam ng IFM Dagupan, sinabi ng hepe ng pulisya na ito ang kauna-unahang insidente ng pagkalunod sa Angalacan River ngayong taon.

Gayunman, aminado ang mga awtoridad na matagal nang itinuturing na delikado ang Angalacan River dahil sa biglaang lalim ng ilang bahagi nito.

Matatandaang noong Disyembre ng nakaraang taon lamang ay naitala rin ang pagkamatay ng isang menor de edad matapos malunod sa parehong ilog.

Mariing nagbabala ang pulisya sa publiko na umiwas sa pagligo sa ilog, lalo na sa mga kabataan at higit sa lahat kung nasa impluwensya ng alak, upang maiwasan ang trahedyang tulad nito.

Facebook Comments