Menor de Edad, Senior Citizen, Bawal pa rin Lumabas sa Tuguegarao City

Cauayan City, Isabela- Ipinagbabawal pa rin ng pamahalaang lungsod ng Tuguegarao ang paglabas ng mga menor de edad at senior citizen kahit na ibinaba na sa General Community Quarantine (GCQ) ang status ng Lungsod.

Ayon kay City Mayor Jefferson Soriano, bagamat nasa ilalim na ng GCQ ang lungsod ay kailangan pa rin ang istriktong pagpapatupad sa mga health protocol.

Mas mainam aniya na hindi bibiglain ang gagawing pagluluwag upang maiwasan ang biglaang pagtaas muli ng mga kaso ng COVID-19 sa Lungsod.


Ang Lungsod ng Tuguegarao ay halos limang (5) buwan nang isinailalim sa mas mahigpit na mga quarantine status dahil na rin sa mataas na bilang ng naitatalang positibong kaso.

Sa ngayon, nasa halos 200 na lamang ang aktibong kaso sa Siyudad pero kung hindi aniya makikipagtulungan ang mga residente ay posible nanamang sumipa ang bilang ng mga tatamaan ng virus sa Lungsod.

Nananatili pa rin ipinagbabawal sa Tuguegarao City ang mass gatherings tulad ng kasal, binyag, mahahabang lamay, pista, mga pagpupulong sa mga kulob na lugar at anumang kumpulan ng mga tao.

Maging ang prusisyon sa paglilibing ay istriktong hindi pinapayagan kung kaya’t magbibigay ang pamahalaang panlungsod ng mga sasakyan para sa mga pupunta ng libing.

Pinapayagan naman ang pagbebenta ng mga alak subalit bawal pa rin ang pag-iinuman sa mga pampublikong lugar.

Bukod dito, hanggang dalawang (2) pasahero pa rin ang pinapayagan sa mga tricycle at ipinatutupad pa rin ang number coding system sa mga sasakyan.

Facebook Comments