Cauayan City, Isabela- Nagpapagaling na ang isang menor de edad matapos bumaliktad ang sinasakyan nitong pampasaherong jeep kahapon (July 11, 2021) sa kahabaan ng Brgy. Palattao Naguilian Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PSSg. Charlie Capuchino, imbestigador ng PNP Naguilian, kinilala ang drayber ng jeep na si Jonathan Sabban, 38-anyos, may-asawa at residente ng Brgy. District 1, Benito Soliven, Isabela.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng drayber ng jeep ang daan mula Benito Soliven patungo sa Cauayan City ng biglang magkaroon umano ng depekto ang sasakyan partikular na nasira ang u-bolt ng sasakyan dahilan para mawalan ito ng preno sa manibela at bumaligtad sa daan.
Dahil dito, nagtamo ng sugat sa kaliwang bahagi ng paa ang pasaherong menor de edad na kaagad namang isinugod sa pagamutan habang maswerte namang ligtas ang iba pang sakay ng jeep.
Paalala naman ng mga awtoridad na ugaliing suriin ang mga sasakyan upang malaman ang kondisyon nito bago bumiyahe.