Mas epektibo ang sibil, madiplomasya at magalang na paraan ng paghahatid ng mensahe sa isang matagal nang kaalyado gaya ng Estados Unidos, lalo sa usapin tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Reaksyon ito ni Committee on National Defense Chairman Senador Panfilo “Ping” Lacson sa mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung gusto ng Estados Unidos na manatili ang VFA, “They have to pay.”
Diin ni Lacson, hindi dapat presyuhan ang kahalagahan ng VFA sa Pilipinas.
Ayon kay Lacson, ang ganitong pahayag ay hindi malayong maghatid ng impresyon na ang Pilipinas ay bansa ng mga kotongero.
Paliwanag ni Lacson, mahalagang maipaabot ng Pilipinas sa Estados Unidos ang kapakanan nito sa ilalim ng naturang kasunduan, pero posibleng mas makuha ng kabilang panig ang mensahe kung ang gagamiting pamamaraan ay madiplomasya.
Kamakailan ay binanggit din ni Lacson, na kailangan ng Pilipinas ang VFA laban sa pagpasok ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas kasama ang West Philippine Sea.
Punto ni Lacson, hindi maaaring mawala ang “balance of power” na dulot ng US at ibang kaalyado para sa pambansang interes at “territorial integrity” ng Pilipinas.