Iginiit ni Senator Robin Padilla na mas dapat na tutukan ngayon ang mental bullying sa mga kabataan.
Ayon kay Padilla, nakaranas siya ng pisikal na pambu-bully at ito ay kinaya naman niya bukod pa sa nakatulong ito sa pagharap niya sa buhay.
Sa panahon aniya nila, ang physical bullying ay nagiging tampulan lang ng asaran dahil sa pagsusumbong at karaniwang ang ilang kabataan noon ay humihingi ng saklolo sa kanilang fraternity o brotherhood para mabigyang proteksyon at hindi ma-bully.
Aniya pa, kung slightly physical bullying ay kakayanin pang i-handle o katanggap-tanggap pa pero kapag mental bullying ay mas mabigat na ito sa mga kabataan.
Iba aniya ang nararanasang mental torture ng mga kabataaang dumaranas ng ganitong pambu-bully lalo na ang nabu-bully sa online o sa internet.
Sa ginanap na pagdinig, tinukoy ni Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang mga international survey kung saan 40 hanggang 65 percent ng mga mag-aaral ang nakakaranas ng physical at cyberbullying.