Inihain ni Senator Sonny Angara ang Senate Bill No. 1471 na layuning amyendahan ang Republic Act 11036 o ang Mental Health Act.
Ito ay para agad makuha ng mga kwalipikadong indibidwal ang mga kompensasyon at benepisyo na dapat nilang matanggap sa ilalim ng batas.
Ipinaliwanag ni Angara na ngayong may COVID-19 pandemic ay isang malaking isyu ang mental health lalo na sa mga indibidual na hirap makakuha ng tulong dahil sa dami ng kailangang tugunan ng ating health care system.
Pangunahing inihalimbawa ni Angara si Retired Corporal Winston Ragos na nabaril at napatay ng isang pulis na nakatalaga sa checkpoint sa Quezon City.
Sa impormasyon ni Angara, si Ragos ay nahaharap sa mental health issues at nahirapang ipagpatuloy ang kailangang medical attention at mga gamot dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).