Mental health, hindi uubrang dahilan ni suspended Mayor Alice Guo para hindi makadalo sa pagdinig ng Senado

Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na hindi pwedeng gamiting dahilan ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang kanyang mental health para takasan ang mga pananagutan nito sa batas.

Kaugnay na rin ito sa pahayag ng abogado ni Guo na malabo nanamang makaharap sa pagdinig ng Senado bukas ang kanyang kliyente dahil sa mataas ang stress level.

Ayon kay Hontiveros, mismong si Guo ang humukay ng kanyang sariling libingan dahil ang mga ibinatong tanong sa kanya ay masasagot ng sinumang matino ang pagiisip at ngayon na wala nang lusot ang Alkalde, ay nagpapa-victim na ito ngayon.


Pagbabanta ng senadora, kung hindi kikilalanin ni Guo ang subpoena ay karapatan ng Senado na mag-isyu ng arrest order laban sa alkalde.

Punto ni Hontiveros, hindi lang si Guo ang traumatized kundi lalo na ang mga naging biktima ng human-trafficking, mga dayuhan at mga Pilipinong pilit na pinagtatrabaho sa mga POGO scam hubs.

Dagdag pa ng mambabatas, maging ang sambayanang Pilipino ay traumatized na may isang Chinese national ang naging Mayor ng Pilipinas.

Facebook Comments