Naglunsad ang lokal na pamahalaan ng Malabon ng mental health hotline para sa kanilang mga residente ngayong may pandemya.
Ayon kay Malabon Mayor Lenlen Oreta, maituturing na isang seryosong usapin ang mental health dahil dumarami ang nakakaranas nito ngayong may krisis kaya hindi ito dapat balewalain.
Layunin aniya ng mental health hotlines na matugunan ang mga residenteng nakararanas ng matinding depresyon, matinding kalungkutan, stress, takot, at pag-aalala na nakaka-apekto na sa mental health.
Katuwang ng Local Government Unit (LGU) sa proyekto ang Diocese of Caloocan, Mental Health First Response at Volunteer Corps PH Psychological First Aid.
Umaasa ang LGU na sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang hotline at pakikipag-usap sa mental health professional ay mapapawi o mababawasan ang anumang nararanasan ng mga residente na nakaapekto na sa kanilang mental health.
Ang mga residenteng nangangailangan ng tulong para sa kanilang mental health ay maaaring tumawag sa mga numerong 09615398437 at 09274126379.