CAUAYAN CITY – Isa sa pangunahing tinututukan ngayon ng Department of Health Region 02 ay ang pagbibigay ng tulong para sa mga taong dumaranas ng mental health problems.
Ayon kay Regional Director Amelita Macliing Pangilinan ng DOH, upang matugunan ang mental health issues ay nagbibigay ang kanilang ahensya ng Human Resource for Health (HRH) sa mga RHUs sa buong rehiyon, at trainings sa mental health psycho-social, at stress debriefing.
Bukod dito, nagbibigay rin aniya sila ng tulong para sa mga taong walang kakayahang lumapit upang magpatingin sa Psychiatrist.
Kabilang na dito ang pamamahagi ng libreng anti-psychotic drugs para sa mga pasyenteng dumaranas ng psychosis.
Sinabi pa ni RD Pangilinan na kabilang pa sa kanilang tinututukan ay ang kaso ng pagpapakamatay lalo na sa mga kabataan.
Kabilang sa kanilang ginawang interbensyon ay ang pagbibigay ng training sa mga health workers na maidedeploy sa mga paaralan upang magbigay ng mental health counseling sa pamamagitan ng Ugnayan organizations and mobilization of regular mental health programs in school.
Maliban pa dito, malugod din nitong ibinalita na ang Cagayan Valley Medical Center ay malapit nang magkaroon ng Health Science Department na mayroon ding Department of Psychiatry.