Hinikayat ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang mga tauhan na huwag kimkimin ang bigat na kanilang nararamdaman sa halip ay ibahagi ang kanilang karanasan matapos mapasabak sa mga bakbakan.
Ito ang pahayag ni AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay kasunod ng insidente ng pamamaril ng isang pulis sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac.
Ayon kay Gapay, may sinusunod silang programa para patatagin ang mental health ng kanilang mga sundalo lalo’t prone ang mga ito sa Post Traumatic Stress Disorder (PTSD).
Makatutulong aniya ang pagbabahagi ng mga sundalo sa kanilang naging karanasan sa field para maibsan ang trauma at mapanatag ang kanilang kaisipan.
May apat na hakbang aniya silang sinusunod para tulungan ang mga distressed na sundalo.
Una ay ang detection o pagtukoy sa mga nararanasang problema; ikalawa ay ang hospitalization para matutukan ng mga eksperto; ikatlo, adbokasiya upang palakasin ang kamalayan ng mga sundalo sa epektong dulot ng PTSD; at ikaapat, ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para maghanap ng mga bagong pamamaraan para sa mental health ng mga sundalo.