Kinokonsensya ngayon ni Senior Deputy Minority Leader at Bayan Muna Representative Carlos Zarate ang Manila Electric Company na i-libre na lamang ng isang buwang bill ang mga consumers.
Ito aniya ay dahil sa kabila ng COVID-19 pandemic at paghihirap ng maraming mga Pilipino ay kita pa rin ang iniisip ng kumpanya.
Nagtataka si Zarate na ang mga maliliit na electric cooperatives ay ililibre ng isang buwang bill ang kanilang mga consumers gayong ang Meralco naman ay magtataas pa ng singil sa kuryente ngayong buwan ng Abril.
Sinabi ng kongresista na kung magagawa ito ng mga kooperatiba hindi hamak na mas kaya dapat ito ng Meralco dahil bilyones ang kapital at kita nito.
Giit ng mambabatas, maaaring i-waive din ng Meralco at iba pang generation companies ang electric bills ng kanilang lifeline consumers at ipagpaliban ang pagbabayad ng dalawang buwan para sa iba, o kaya naman ay kaltasan kahit P500 ang bills ng lahat ng customers para sa dalawang buwan.
Sa ganitong paraan, maiibsan anya kahit papaano ang problemang pinansyal ng mga tao lalo na iyong mga natigil sa paghahanapbuhay.