Muling magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng bawas-singil sa kuryente ngayong Marso.
Sa abiso, halos P0.36 per kilowatt hour ang magiging bawas-singil sa kanilang mga customer ngayong buwan na katumbas ng overall rate na P8.3195/kWh.
Mas mababa ito kumpara sa P8.6793 overall rate noong Pebrero at pinakamababang singil rin simula noong August 2017.
Samantala, ang nasabing rate rollback ay katumbas ng P72 na kaltas sa kabuuang bill ng mga customer na kumokonsumo ng 200kWh kada buwan.
Nasa P108 naman ang mababawas sa singil para sa mga kumokonsumo ng 300kWh kada buwan, P144 sa kada 400kWh at P180 sa kada 500 kWh.
Paliwanag ng Meralco, ang bawas-singil ngayong Marso ay bunsod ng ipatutupad na Distribution Rate True-Up Refund ng kompanya.
Matatandaang noong December 2020 nang atasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco na magbigay ng refund sa mga customer nito dahil sa overcollections ng pass-through charges mula January 2017 hanggang December 2019.
Samantala, ang pagbaba sa singil sa kuryente ay bunsod rin ng pagbaba ng generation charge na resulta naman ng mas mataas na share ng supply mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).