Nagbabala ang Manila Electric Company (Merlaco) sa mga kustomer nito na nagpo-post sa social media ng kanilang electric bill.
Sa panayam ng RMN Manila, iginiit ni Meralco Vice President and Corporate Communications Head Joe Zaldarriaga na delikado ang paglalabas ng electric bill sa publiko dahil naglalaman ito ng mga personal na impormasyon.
Posible aniyang magamit ng mga online hacker ang mga detalye at magdulot ito ng kapahamakan sa kanilang buhay.
“’Wag gawin ang bill reveal na yan sabihin na lang natin yung konsumo ko, ginagawa ko para mabawasan ang konsumo. I was pleasantly surprised ‘yung mga kababayan natin more or less they accept the fact the electricity bill is caused by their consumption parang ine-express lang nila yung kanilang saloobin pero maling way of expressing by exposing information and data that may compromise that person .”
Kasabay nito, ipinaliwanag din ni Zaldarriaga na ang taas singil sa kuryente ngayong buwan ay bunsod ng mga ipinapatupad na Red at Yellow Alert sa mga power grid sa bansa gayundin ang pagsipa ng presyo ng kuryente sa spot market.
“Kapag nag-declare ang National Grid Corporation of the Philippines ng system grid operator ng Yellow Alert o lalo na ng Red Alert, we have to share doon sa short fall o kakapusan sa buong grid kaya ang nangyayari yung ibang mga planta natin hindi natin makuha ng full. Dahil nga full ‘yan, they have to share with the shortage kaya yon nagkakaroon din ng pressure from our bilateral contracts.”
Nabatid na magpapatupad ang Meralco ng 46.21 centavos kada kilowatt-hour na dagdag sa singil sa kuryente para sa billing ngayong Mayo.