Meralco, pinayuhan ang mga consumer na hintayin ang bagong bill para sa buwan ng Mayo

Pinayuhan ng Manila Electric Company (Meralco) ang mga consumer nito na hintayin ang bagong bill bago magbayad.

Nabatid na naglabas ng direktiba ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga power distributor na magsagawa ng aktwal na meter readings at mag-isyu ng bagong billing hinggil sa actual consumption at kaakibat ang amount due, hindi lalagpas sa Hunyo 8, 2020.

Ayon kay Meralco Vice President at pinuno ng Customer Retail Services Victor Genuino, nabasa na nila ang metro ng 65% ng mga customer nito.


Sinabi ni ERC Chairperson Agnes Devanadera, ang huling meter reading nitong Pebrero ay iko-compute hanggang sa buwan ng Mayo para makuha ang actual consumption sa loob ng community quarantine period.

Ang pagbabayad ng electricity consumption sa loob ng quarantine period ay hahatiin sa apat hanggang anim na installment, kung saan ang unang monthly amortization ay kailangang gawin hindi lalagpas ng Hunyo 15, na walang penalties, interest at iba pang fees.

Una nang nagpaliwanag ang Meralco na ang biglaang pagsipa ng electric bill ng ilang customer ay bunsod ng pagtataya sa tatlong-buwang average na konsumo bago ang Marso at Abril, kung saan hindi nakapagsagawa ng meter readings bunsod ng community lockdown.

Facebook Comments