Manila, Philippines – Binatikos ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) si Energy secretary Alfonso Cusi makaraang kampihan nito ang pamunuan ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa tinatawag na Meralco ‘sweetheart deals’ na sinasabing lalong magpapataas ng presyo ng kuryente.
Ayon kay RJ Javellana ng UFCC, pinag-aaralan nila ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa pamunuan ng ERC at DOE dahil sa pagpabor ng mga ito sa Atimonan One contract.
Ayon kay Javellana, malinaw na midnight deal ang aplikasyon ng Atimonan One dahil 7:20 ng gabi ito pinasa sa ERC at inabuso rin ng ahensya ang Energy Investment Coordinating Council (EICC) para maisulong ang nasabing kontrata.
Binigyan diin ni Javellana na hindi malayong matulad si Cusi sa sinapit ng mga ERC commissioner na sinuspindi ng Office of the Ombudsman matapos ituring din nito na ang nasabing kontrata ay matatawag na Energy Project of National Significance (EPNS).