MERALCO, tiniyak ang pagpapanatili sa suplay ng kuryente matapos mapaso ang emergency power supply agreement nito sa GNPower

Sisikapin ng Manila Electric Company o MERALCO na mapanatiling abot kaya ang isinusuplay nilang kuryente sa kanilang mga customer.

Inihayag ito ng MERALCO matapos mapaso na ang pinasok nilang Emergency Power Supply Agreement sa GNPower Dinginin Limited kahapon.

Ayon sa MERALCO, simula ngayong araw ay kukunin na nila ang 300 megawatt na suplay ng kuryenteng iniwan ng GNPower sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM.


Gayunman, sinabi ng MERALCO na kanila nang hiniling sa GNPower na palawigin pa ang termino ng kanilang Emergency Power Supply Agreement o EPSA

Magugunitang sinalo ng GNPower ang 300 megawatt na suplay ng kuryente matapos na itigil ng South Premier Power Corporation o SPPC ang isinusuplay nilang kuryente salig sa inilabas na Temporary Restraining Order o TRO ng Court of Appeals

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang MERALCO sa Department of Energy (DOE) at iba pang industry player para tiyaking sapat ang suplay ng kuryente at maprotektahan ang mga konsyumer sa malikot na presyuhan ng WESM.

Facebook Comments